Home Press Release Sa gitna ng tensyong US-Iran P600M Ilalatag sa repat, tulong sa...

Sa gitna ng tensyong US-Iran P600M Ilalatag sa repat, tulong sa OFWs sa Middle East

120
0

Naglatag ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng inisyal na P600 milyong piso para sa mabilis na repatriation at tulong sa mga overseas Filipino workers (OFW) na papauwiin bunsod ng krisis sa Gitnang Silangan.

Sinabi rin ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Miyerkules na inihahanda na ang mga alternatibong overseas at local employment para sa mga apektadong manggagawa kasunod ng tumitinding tension sa pagitan ng US at Iran kasabay na rin ng pagpapadala doon ng isang Rapid Response Team (RRT).

Nakipagpulong rin si Bello sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ), Department of National Defense (DND), National Security Advisers, NICA, at ng Mindanao Development Authority upang pag-usapan ang sitwasyon ng mga Pilipinong manggagawa sa Iran, Iraq, Lebanon at iba pang kalapit na bansa na apektado ng tensyon.

“Inabisuhan ko ang grupo na ipapadala ko ang aking mga senior officials upang bigyang babala ang mga OFW sa sitwasyon ng tensyon sa pagitan ng US at Iran at ang plano ng gobyerno para sa repatriation,” wika ni Bello.

Ang RRT ay pangungunahan nina Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia na ipadadala sa Lebanon; OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na magtutungo sa Saudi Arabia at Kuwait; at si Undersecretary Claro Arellano naman sa United Arab Emirates (UAE).  Ang mga OFW ay pupulungin upang matiyak ang maayos na koordinasyon at ligtas na repatriation ng ating mga manggagawa, dagdag pa ng kalihim.

Hihikayatin rin aniya ng RRT ang mga OFW na sumama sa repatriation pabalik sa Pilipinas.  Gayunman, hindi mapipilit ang sinumang ayaw sumama.

“Pipilitin naming sumama sila sa repatriation efforts, gayunman, kung hindi sila makikipagtulungan ay wala na kaming magagawa pa doon. Makikipag-ugnayan rin kami sa kanilang mga employer upang payagang umuwi ang mga OFW,” ayon pa kay Bello.

Sinabi ni Cacdac na maliban sa 100 milyong pisong repatriation fund, mayroon ding 500 milyong pisong stand-by fund and DOLE para sa mga krisis at emergency situation na maaaring magamit agad.

Batay sa tala,mayroong tinatayang 2,174,611 na bilang ng mga Pilipino, documented at undocumented na nasa Middle East at kabilang dito ang Dubai, Qatar, Kuwait, Lebanon, Oman, at Israel. Sa pagtataya rin ng pamahalaan, mayroong kabuuang 2,191 Pilipino sa Iraq at 1,184 sa Iran.

Sinabi ni Bello na sa ngayon ay wala pang OFW ang nagpahayag ng kagustuhan o nakipag-ugnayan sa DOLE upang humingi ng tulong sa repatriation mula sa pamahalaan.

“Sa ngayon wala pa kaming natatanggap na hiling mula sa mga OFW na nais nilang umuwi. Tanging ang kanilang mga pamilya lamang ang tumatawag sa amin upang malaman ang kanilang sitwasyon at nagaganap sa nasabing mga bansa,” ayon kay Bello.

Ang mga napauwing Pilipino ay bibigyan ng livelihood assistance, training sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at hihikayating mag-aplay sa ibang trabaho sa ibayong dagat tulad ng sa Russia, Japan, at Canada.

Samantala, ang mga OFW sa nasabing mga Arab country at kanilang pamilya ay inabisuhan ni Bello na tumawag sa Hotline 1348 at 1349 ng DOLE kung nangangailangan ng repatriation o anumang uri ng tulong mula sa pamahalaan. #Paul Ang, Information and Publication Service, Department of Labor and Employment

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here