Home News Partial deployment ban kasado sa Kuwait

Partial deployment ban kasado sa Kuwait

184
0

 

Nakatakda nang magpatupad ang pamahalaan ng partial ban sa pagpapadala ng mga household service workers sa Kuwait, ayon sa anunsyo ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Kasabay nito, sinabi ni Bello na ang local placement agency na siyang nagpadala kay Jeanelyn Villavende sa nasabing bansa ay posibleng maharap sa kanselasyon ng lisensya dahil sa pagkabigo na tugunan ang hiling niya na repatriation ilang buwan bago pa ang brutal na pagkamatay niya sa kamay ng Kuwaiti employer.

Sinabi ni Bello na ang partial ban ay inirekomenda ni Labor Attache Nasser Mustafa at dadaan sa approval ng governing board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Si Bello ang chair ng POEA board.

Dagdag pa ng kalihim, saklaw lamang ng ban ang mga first time na manggagawa na magtatrabaho bilang household service worker sa Kuwait, at hindi kasama rito ang mga skilled at nagbabakasyong manggagawa.

“Magsisilbi itong malinaw na mensahe sa mga Kuwaiti authorities. Ang partial ban ay maaaring magresulta sa isang total deployment ban kung hindi mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Jeanelyn Villavende,” wika ni Bello.

Batay sa inisyal na ulat na isinumite ni Mustafa ng Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait, si Villavende ay binugbog hanggang sa bawian ng buhay, at patay na nang dalhin sa ospital. Iniulat ng mga attending nurse na siya ay ‘black and blue’ na nang masuri sa ospital.

“Hihingin namin ang paliwanag ng recruitment agency ni Villavende kaugnay sa kanilang hindi pagtugon sa kanyang kaso. Buwan pa lamang ng Setyembre nang magreklamo na siya kaugnay ng pangmamaltrato at underpayment sa kanyang suweldo. Paulit ulit na rin aniya siyang humingi ng tulong sa agency para sa repatriation subalit wala silang ginawa,” ayon kay Bello.

Oktubre pa nang huling makausap ng kanyang pamilya si Villavende. Noong Disyembre 13, muling tumawag ang kanyang pamilya kay Jeanelyn subalit ang babaeng employer niya ang sumagot ng tawag at sinabing abala sa trabaho ang OFW.

Inaalam pa ang tiyak na araw ng pagkamatay ni Villavende sa tulong ng autopsy. Ang kanyang employer ay kasalukuyang nakapiit sa Kuwait.

Nagtungo na si Overseas Workers Welfare Administrator Hans Leo Cacdac sa Norala, South Cotabato upang ipaabot ang pakikiramay sa pamilya ni Villavende at sinabing magbibigay ng death at burial benefit sa OFW, habang ang kanyang pamilya ay makatatanggap ng livelihood assistance at educational scholarship para sa kanyang nakababatang kapatid. TN/DOLE Information and Publication Service/aldm/ Paul Ang

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here