APOLINARIO MABINI AWARD IGINAWAD SA MGA NPC MEMBERS NA PWD

    29
    0

    EDWIN MORENO

    Reporter, Police Files at Hataw

    ISINILANG na may kapansanan subalit hindi naging hadlang upang makamit ang pangarap na maging isang Reporter.

    Ayon kay Edwin, sa loob ng 2 dekada sa kanyang pagiging mamamahayag ay samu’t sari ang naranasan na hirap at kakaibang pagtingin ng kapwa.

    Ilang ulit na ring naranasan ang makasuhan dahil sa inilabas na balita sa pahayagan na tuwina ay laging inaalalayan ng pamunuan ng National Press Club.

    Minsan nang napabilang siya sa listahan na muntik matanggal sa opisyal na kasapi ng NPC subalit ipinaglaban nya ito, bagay na naging dahilan upang mapansin ang kanyang seryosong pagnanais na maging kasapi ng prestisyusong samahan na kanya namang pinatunayang siya ay karapat-dapat.

    Taus pusong pasasalamat ang kanyang nasambit sa hindi mabilang na pag-alalay ng NPC sa kanya at sa kanyang pamilya. Hindi lamang sa mga tulong sa panahon ng kalamidad, usaping legal, suliraning pampamilya at maging sa paghubog ng kanyang kakayahan bilang isang Pilipinong mamamahayag.#

    RENE MALIWAT

    DZRJ Reporter/Anchor

    DISGRASYA ang naging daan upang kilalanin ng National Press Club si Rene Maliwat ng DZRJ.

    Bunsod ng pangyayari natanto ni Rene Maliwat ang buhay ng isang People with Disability. Nagbukas din ito ng kanyang kamalayan ang lubos na pag-iingat sa pagmamaneho at pangangalaga ng kalusugan na dati-rati ay ipinagwawalang-bahala.

    Sa kabila ng hirap ng paglalakad sanhi ng sakuna sa motor ay nagpatuloy ang kanyang pagtatrabaho bilang isang Field Reporter ng DZRJ.

    Kaalaman at diploma ang naipagkaloob na tulong ng NPC kay Rene Maliwat. Nakapagtapos sya ng Bachelor of Public Administration dahil sa programang pang-edukasyon ng nasabing samahan. #

    ROMUALDO CONSTANTINO SAN PASCUAL

    DWDD Anchor

    DATING SUNDALO ng Armed Forces of the Philippines. Nabulag dahil sa isang misyon na muntik na rin nyang ikamatay. Dahil sa nangyari, nabigyan siya ng pagkakataon ng Civil Relations Office ng AFP na maging isang anchor sa himpilang pinangangasiwaan ng AFP.

    Nabigyan na rin si Chief Rommel o Bulagkaster ng iba’t ibang pagkilala bilang natatanging Pilipino na may kapansanan.  Kabilang dito ang Cobra Pinoy Hero for Media 2013, PMF Presidential Award/Angel Medal of Honor noong July 28, 2016 at Apolinario Mabini Presidential Award for Media noong 2018.

    Si San Pascual ay naging kasapi at opisyal din ng Liga ng mga Brodkaster ng Pilipinas kung saan pinamunuan din ng National Press Club President Rolando Gonzalo.#

    REYNALDO SALAO

    Former Provincial Editor, Remate

    Former Reporter, Pilipino Ngayon

    Reporter, Agila ng Bayan

    HABANG lumilikom ng balita, atake sa puso ang gumupo sa malakas na pangangatawan ng dating Provincial Editor ng Remate.

    Hirap man maglakad, hindi ito naging dahilan upang tumigil sa kanyang pagsusulat ng balita si Rey. Naging malaking tulong sa kanya ang computer at internet na kanyang nagagamit upang magawa pa rin ang nakaukit na sa pusong pagiging mamamahayag.

    Pag-iwas sa bisyo, iwas ng pagpupuyat at pangalagaan ang kalusugan ang paalala ni Rey sa mga kapwa Reporter.

    Marubdob na pasasalamat naman ang nais iparating sa nangasiwa ng Apolinario Mabini Award Komite at sa pamunuan ng National Press Club. Aniya, malaking karangalan sa katulad nyang PWD ang mabigyan ng pagkilala.

    “Pasalamat tayo sa Apolinario Mabini Award dahil kung ito ay magtatagal marami kayong matutulungan sa hanay sa media,” pagtatapos ni Rey Salao#

    JOHNNY ARASGA

    Reporter, Remate Online

    MAPRINSIPYONG TAO, ganyan kinikilala ang isang Tata Johnny. Masipag magbalita sa larangan ng palakasan, siyensya at pulitika. Sya ang manunulat na hindi kaya diktahan kung ano ang isusulat sa kanyang mga ibabalita. Mahusay makisama at mabuting kaibigan.

    Tulad ng libro, may simula at wakas… subalit sa mahinang pangangatawan ngayon ni Tata Johnny ay mababanaagan ang kasiyahan nang siya ay personal na dinalaw ng komite ng Apolinario Mabini Awards na sina Direktor Boying Abasola at Ingat-Yaman ng NPC na si Mina Navarro.

    Hirap man tumayo at magsalita ay nagpa-unlak na makapanayam upang maipaabot ang pasasalamat sa walang humpay na pasasalamat ng NPC sa kanya at sa kanyang pamilya.#

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here