Home News Belmonte, suportado ng commuter rights group sa isyu ng tricycle school service

Belmonte, suportado ng commuter rights group sa isyu ng tricycle school service

134
0
Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte and Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Founder Ariel Inton

 

Nagpahayag ng pagsuporta ang isang commuter rights group sa pagtutol ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa panukalang ipagbawal ang mga tricycle na ginagawang school shuttle.

Ayon sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), walang batas na nagbabawal sa mga mag-aaral na sumakay sa tricycle na maghahatid-sundo sa kanila sa eskuwelahan.

“Let’s not make a simple issue complicated. Hindi bawal sumakay ng tricycle ang estudyante papunta sa paaralan o pauwi. Walang batas na ganyan,”  pahayag ng founder ng LCSP na si Ariel Inton.

Ang iligal aniya ay mga overloading, colorum, at out-of-line na mga tricycle.

Una nang tinutulan ni Belmonte ang suhestiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagbawal ang mga tricycle na namamasada bilang school bus.

Pagdidiin ni Belmonte, walang masamang magsilbing school service ang mga tricycle basta’t hindi overloading, colorum, o out-of-line.

Tulad ng pahayag ni Belmonte, ligtas pa ring sumakay sa tricycle, mas praktikal, at matipid, ayon kay Inton.

“ Ang mapanganib ay ‘yung nag-o-overload ng pasahero at ang walang disiplinang pagmamaneho. Estudyante man o hindi ang nakasakay sa tricycle at overloaded ito, ‘yan ang bawal,” paliwanag ni Inton na dating konsehal sa  Quezon City at board member ng LTFRB.

Aniya, wala sa lugar ang panukalang ito ng LTFRB.

Ayon pa kay Inton, ang mga tricycle ay tinatangkilik ng mga mahihirap na walang kakayahang bumili ng sarili nilang sasakyan o magbayad ng mas mahal na school service.

“Hindi naman school service agad ang tricycle porke students nakasakay . Ibig sabihin ba na ‘pag jeep at puro students nagkataong nakasakay ay school service na?” tanong pa ni Inton.

Ayon kay Belmonte, dapat ay kinunsulta muna ng LTFRB ang lokal na pamahalaan bago isinagawa ang panghuhuli ng mga tricycle.

“LTFRB should have consulted the LGUs first before implementing the ban since, in Quezon City, for example, this is already covered by a local ordinance designed to address a localized issue,” ani Belmonte.

Sa ilalim ng Ordinance No. SP-2337-2014 o “Quezon City Tricycle Management Code of 2014”, mahigpit na ipinagbabawal ang mga colorum, out-of-line, at overloading na mga tricycle.

Sa ilalim ng ordinansa, ang mga pampublikong tricycle ay maaari lang magsakay ng apat na pasahero, kabilang na ang driver.

Sa ibang lugar tulad ng Batasan Hills, Krus na Ligas, at Payatas kung saan malalayo ang ruta, pinapayagan ang hanggang limang pasahero: tatlo sa loob at dalawa sa likod ng driver.

“I think what should we do here is to just intensify the enforcement of rules against overloading, colorum, and out-of-line tricycles so I think ok lang naman na tricycle school service basta hindi overloading o colorum o out-of-line,” Belmonte said. -30- (VMJB Communications Group)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here